10/08/2021
Very Inspiring🙏
BALUTERO
Akala ng karamihan, pariwara si Wangwang. Yaong tulog sa umaga habang gising naman kapag gabi. Walang paglalarawan ang kayang tumumbas sa dilat na dilat nitong mga mata. Ang maliwanag na kutis na mababanaag sana sa isang pangkaraniwang bata ay kabaligtaran sa balat nito na parang tinustang talong sa naglalagablab na apoy.
Labas ang dalawang biloy sa magkabilang pisngi dulot ng pagiging payat ng mukha. Kung kaya nama’y hindi na ipagtataka kung bakit siya napagkakamalang batang grasa.
Karga-karga ang dose-dosenang itlog, hindi na iniinda pa ng Grade 7 na si Josua Barro o mas kilala sa tawag na Wangwang ang sakit ng katawan maihatid lamang ang mga pinamiling balut mula sa pamilihan patungo sa maliit na tindihan na naka-pwesto sa gilid ng kalsada. Maingat na ibinababa nito ang mga pinamili sa isang lumang lamesa kasabay ang pagpatak ng mga pawis na naipon sa loob ng face mask nito.
Matapos na makahinga ng sampung beses, ang bata ay gagawa na ng apoy upang lutuin ang mga pinamiling itlog kasama ng kanyang ama sa Lahi, Magnaga, Pantukan, Davao de Oro.
Sa unang tingin, parang hitsura lamang ito ng ordinaryong itlog na nilaga para sa almusal. Ngunit kung babalatan mo na, tatambad sa paningin ang unti-unti nang nabubuong sisiw na nakakapit sa dilaw na bahagi nito. Madalas kainin kasama ng asin at s**a bilang sawsawan ang sinasabing itlog na puno ng sustansya.
Ayon sa thesis na “The Authentic Balut” na isinulat ni Maria Carinnes P. Alejandria noong 2019, lumalabas na apat sa 10 bata sa mga lugar sa Pilipinas na mataas ang produksyon ng balut ang nahuhumaling sa pagbebenta nito. Sa bilang na ito, 78% ay mga estudyante o menor de edad na ginagawang sideline ang paglalako ng naturang “exotic” na pagkain.
Dahil sa pandemya, mas lumobo pa ang bilang ng mga kabataang nagbebenta ng balut sa lansangan batay sa ulat ng Child Care Foundation nitong Enero lamang ng kasalukuyang taon.
Ang panahon na inilaan sa pagsagot ng kani-kanilang modyul ay nababawasan dulot ng pagkaengganyo sa pagtitinda ng pagkain ng binansagang “National Street Food of the Philippines”.
Kapos sa pangangailangang pinansyal ang pamilya ni Wangwang. Kaya buong puso tumutulong ang bata sa pagbabalut kahit pa man gustong-gusto niyang makipaglaro sa kanyang mga barkada at pinsan.
"Hindi porket bata ka kailangan mo ng mag-asal bata. Minsan kahit musmos pa tayo, kailangan nating umastang matanda para makatulong sa hirap ng buhay. Kahit nga minsan gusto kong maglaro, napapaisip na lang ako na ang oras na igugugol ko sa paglalaro, itutulong ko na lang kina nanay at tatay," rebelasyon ni Josua sa panayam sa kanya ng pahayagang Dalampasigan.
Simula ng sumibol ang pandemya, malaki ang pinsala at negatibong epekto nito sa lahat ngunit hindi para sa isang musmos na ginawang positibo ang sitwasyon. Na ginawang motibasyon ang COVID-19 para makatulong sa pang-araw -araw na pangangailangan ng pamilya. Habang lumilipas ang mga araw, unti-unti niyang naiintindihan ang totoong kalakaran ng buhay.
"Noong una, akala ko okay lang ang lahat. Natuwa pa nga ako sapagkat mas mabibigyan ko ng malaking oras ang pagbebenta ng balut. Subalit ang hirap pala ng sitwasyon. Madalang ang benta namin sa maghapon. Nahihirapan din ako mag-aral dahil sa totoo lang, hindi ko maintindihan ang nakasulat sa mga modules at hindi ko maintindihan ang ibang mga tanong," pahayag ni Wangwang na makikita ang pagkadismaya sa kanyang mga mata.
Tulad ng ibang negosyo, hindi palaging malakas ang benta ng balut. May mga araw na matumal ang pagpasok ng kita nito. Walang ibang magawa si Wangwang kundi makipagsabayan sa daloy ng panahon.
"Nagtitinda po kami ng sari-saring balut. May balut na 12 days, 16 days o 18 days depende sa gusto mo pero sa buhay wala tayong ibang pagpipilian kundi ang makipagsapalaran upang guminhawa ang pamumuhay. Marami po akong plano sa aking sarili at sa pamilya ko," makabuluhang sabi ng bata.
Subalit may pagkakataon na nalilhis ng landas ang bata. Nalulong siya sa paglalaro ng Mobile Legends kasama ng kanyang mga pinsan. Ngunit sa bandang huli, nagising din ito sa katotohanan na walang magandang maibibigay sa kanya ang paglalaro ng ML.
"Aaminin ko nalulong din ako sa paglalaro ng Mobile Legend. Paano kasi naka-eenganyo at naka-aadik ang pakikipagtunggali ng mga characters sa ML. May mga pagkakataon na hindi ko masasagutan ang mga module ko dahil sa pagkahumaling sa ML. Kaya minsan, late na rin ako sa pagpasa ng aking mga gawain", pag aamin niya.
Kahit na nasilaw siya saglit sa kinang ng makabagong laro, hindi parin nawawala sa kanyang puso't- isipan ang pangarap niya para sa buhay. Aniya, paglaki niya gusto niyang maging isang sikat na mekaniko dahil gusto niyang itira ang nanay, tatay at kapatid niya sa maayos na bahay.
"Dasal ko lang na sana bumalik na sa dati. Bumalik na yong dating panahon na halos mabasag ang tainga ng g**o namin dahil sa ingay. Masaya yon ha hindi tulad ngayon na halos nakabibingi ang katahimikan sa bawat silid ng paaralan," makahulugang turan ni Wang Wang.
Sa mahigit sampung buwan na pinagsabay niya ang pag-aaral at pagbebenta ng balut, papasok na sa susunod na pas**an si Josua sa ikawalong baitang.
“Yong tanong nyo sa akin na hanggang ilang piraso ng balut ang kayang kong ibenta para sa aking mga pangarap? Sig**o po lahat po ng itlog ng itik kayo ko pong ilako makapagtapos lang po ako ng pag-aaral,” nakangiting tugon ng bata habang minamasdan ang mga panindang balut.
Sa isang pananaliksik na isinagawa ng pahayagang The Shoreline noong nakaraang taon mayroon lamang 38 na mga mag-aaral na nagbebenta ng balut ang nakapagpatuloy sa pag-aaral kung ikukumpara ngayong taon na halos 98 sa mahigit 120 na mga bata ang nakapagtapos sa Junior at Senior High School sa kabila ng banta ng pandemya. Nangangahulugan lamang ito na walang anumang balakid ang makahihinto sa hangarin ng isang bata na tapusin ang kanyang edukasyon.
Sa buhay, kung gusto mong magtagumpay dapat mong malaman ang iba’t ibang mukha ng pagsisikap. Gaya ng balut na may iba’t ibang klase depende sa pagkakagawa nito. Ngunit kahit ano pa mang “number of days” mayroon ang isang balut, ang mahalaga matikman mo ang pinakamasarap na lasa nito katulad ng batang si Wang Wang na may determinasyon, sipag, tiyaga, at sakripisyo na makamit ang minimithing pangarap sa likod ng pagiging isang balutero.