08/06/2023
Eksaktong isang buwan nang tayo ay magdiwang ng isang masaya at makasaysayang pista sa ating parokya sa Brgy. Krus na Ligas.
Sa unang pagkakataon, ang parokya ay nagsagawa ng paligsahan ng mga manunula sa kompetisyong pinamagatang “Gulod Makata.” Gayundin ang pagpapamalas ng mga bibong chikiting sa Little Miss Holy Cross Parish. Sa pamumuno ng Cruz na Ligas Elementary School Alumni Association, nakapaghatid tayo ng saya sa isang pasiklaban ng iba’t ibang talento, ang Balik-Saya 2023.
Makalipas ang ilang taong pagpapahinga ng paligsahan ng mga mananayaw, sa pangunguna ng SK Council ay muli nating naibalik ito.
Hindi rin nating hinayaang mawala ang taun-taong pinaka-inaabangan ng ating mga ka-barangay, ang Lakan at Lakambini ng Krus na Ligas.
Ang dalawang gabi ng selebrasyon ng musika ay ating ipinagpapasalamat sa Buklod at kay Kgd. Ireneo “Toto” Melendres. Ang Isang Gabing Musikahan at Singing Contest ay naging daan upang ang may mga talento sa pagtugtog at pag-awit ay mabigyan ng plataporma upang maipamalas ang kanilang mga pambihirang kakayahan.
Sa mismong araw naman ng fiesta, nariyan ang Barangay KNL Council upang mas pasayahin pa ang ating selebrasyon sa pamamagitan ng kanilang inihandang Baile sa Gulod.
Tayo rin ay naniniwala na ang sining ay hindi lamang matatagpuan sa performing arts, ngunit ito rin ay nasasaksihan sa larangan ng palakasan o isports. Dahil dito, binabati natin ang KNL Darts Club para sa kanilang inorganisang Darts Competition.
Kami rin ay lubos na nagpapasalamat sa Office of the Mayor para sa QC Services Caravan na napakalaking tulong sa aming mga ka-barangay.
Natapos man ang ating sampung araw na selebrasyon ng ating pista ngayong taon, manatili sana ang ating saya at pananampalataya araw-araw at taun-taon.
Sana rin ay nakatulong kahit munti ang inorganisa naming mag-asawa na Medical Mission dalawang araw bago ang ating kapistahan.
Kasama ng aking maybahay na si Hermana Odith Francisco, kami ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagbabahagi at pakikibahagi.
Maraming salamat, Holy Cross Parish at Brgy. Krus na Ligas!❤️
Sa uulitin,
Hermano Joey Francisco
—
Maraming salamat, Danna Sumalabe sa larawang ito.