25/12/2023
KILALANIN! Isang farmer na may-ari ng isang Farmer Field School (FFS) sa Brgy. Banga, Bayawan City, Negros Oriental
Siya si Jotham Tanasan, 56 taong gulang. Naalala nya pa noon, mula ng siya’y mag-asawa, hindi na siya umasa sa negosyo ng kaniyang pamilya. Nagsimula sya sa pagiging isang magmamani, hanggang sa pinasok nya rin ang pagsa-scrap ng mga materyales katulad ng metal, iron, steel, aluminum, atbp. Dahil sa kanyang sipag, tiyaga at determinasyon, nakapag-ipon sya ng malaki at kumuha ng isang malaking lupain na pinatayuan nya ng kanyang sariling paaralan at ito ay pinangalanan nyang “Joeltess Organic Farm Training Center.”
“Ang layunin ko kasi ay hindi para yumaman, hindi ko naman kasi yun madadala pag mawala na ako sa mundong ibabaw, gusto ko lang talagang tumulong sa maraming tao dahil yun po ang kasiyahan ko. Masaya po kasi ako kapag nakapagserbisyo ako sa aking komunidad at maturuan ko sila kung paano kumita sa pamamagitan ng pagtatanim ng sarili nilang mga pagkain. Tanging ang pag-aagrikultura lang kasi ang nakita kong paraan para mabuhay ang tao lalong-lalo na katulad ngayon na nagkaroon tayo ng pandemya" saad ni Jotham.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang takbo ng farm school at mag-aapat na taon na silang rehistrado sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na katuwang nila sa pagbibigay ng libreng scholarship para sa mga magsasaka ng kanilang lugar. Taong 2019, nakatanggap ng karagdagang tulong ang Joeltess ng mga libreng babasahin mula sa Rice Extension Services Program (RESP) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Jotham na nakaabot ang tulong ng PhilRice sa kanilang lugar dahil ang mga Knowledge Products (KPs) na natanggap nila ay siyang ginagamit nila sa mga pagsasanay ng mga magsasaka. Hindi na sila nahihirapang gumawa ng lesson plan nila dahil lahat ng kailangan nilang ituro nakasulat na sa mga babasahin na binibigay sa kanila.