21/07/2020
Wear Your Face Mask and Save Lives.
MAHALAGANG PAALALA MULA SA OFFICE OF THE MAYOR
PAKSA: Pagsusuot ng Facemask
Mahal kong mga Balagtasenyo,
Isang magadang umaga. Ating batid na patuloy ang MABILIS na PAGTAAS ng bilang ng kaso ng COVID19 sa ating bansa. Sa ating bayan, nakapagtala na po tayo ng 38 na kaso, 8 dito ay gumaling na at 1 ang yumao na. Ang mga pigurang ito ay nangungusap sa atin bilang isang pamayanan na hindi tayo dapat magpakampante.
Ako po ay lubhang nalulungkot at nababahala sa mga ulat na nakarating sa ating tanggapan. May mga ilang Balagtasenyo na hindi alintana ang panganib ng COVID19 at hindi nagsusuot ng FACEMASK o kung magsuot man, ay hindi sa wastong paraan. Ito po ay malinaw na paglabag sa ating alituntuning bayan at pangkalusugan. Inilalagay sa panganib hindi lamang ang sarili kung hindi pati ang kanyang kapwa.
Bilang Ama ng ating bayan, aking paki-usap na iwasan ang hindi mahalagang paglabas ng tahanan o bakuran. Kung lalabas man, tiyakin ang pagsuot ng facemask sa wastong paraan. Siguraduhing natatakpan ng maayos kasama ang baba, bibig at ilong. Parati dapat nakasuot at tatanggalin lamang panandalian kung kakain o iinom. Ating pong alalahanin, na ang ating ikakasalba sa krisis na ito ay nasa ating mga kamay na din.
Aking pinapaalalahanan ang ating mga kapulisan, ang ating mga punong baranggay at mga establisyemento: paigtingin ang pagpapatupad ng alituntinin ukol sa pagsuot ng facemask. Huwag papasukin sa isang gusali ang walang suot nito. Isagawa ang regular na pag-iikot sa mga lansangan at eskinita na ating nasasakupan.
Malaki na po ang sakripisyo ng bawat isa at ng ating pamahalaang bayan. Kailngan natin magkaisa at magtulong tulong upang tayo'y magwagi sa labang ito. Malayu-layu pa po ang ating lakbayin, ngunit ako ay naniniwala na tayo'y magtatagumpay din.
Magmalasakit sa sarili, sa kapwa at sa bayan. Maging responsable, disiplina ang kailangan.
Maraming salamat po.
Nagmamahal,
Alkalde Eladio E. Gonzales Jr.
💜💜💜